Tuesday, August 25, 2009

Piping Saksi

Isang po akong ordinaryong mamamayan na tumanda na sa ating bansa. Naranasan ko po ang hirap ng buhay sa isang Pilipinas na demokrasya. Inakala ko po na mamamatay na ako sa kahirapan, at kawalan ng pag-asa. Saksi po ako sa napakaraming dungis ng ating lipunan.

Hindi naman po kami mahirap dati. Lumaki po ako sa isang simpleng pamilya. May tindahan po kami sa harap ng aming bahay, at ang kinikita namin ay sapat na para makapamuhay kami ng payapa.

Hindi po ako nakatapos ng pag-aaral. May kahinaan daw po ang aking kukote sabi ng aking ama. Nahirapan po akong makapasa sa hayskul. Sa edad na disiotso ay nag-asawa na po ako. Tumira po kami ng asawa ko sa bahay ng aking mga biyenan. Ngunit nang mamatay ang aking mga magulang ay ako po ang nagmana ng aming bahay at tindahan. Akala ko po ay mananatiling payapa at masay ang lahat gaya ng dati.

Ngunit nagbabago po ang panahon. Dumadami po ang tao. Dumami rin ang nagtayo ng tindahan sa lugar namin, at nabawasan ang kinikita namin. Tumaas din po ang presyo ng mga bilihin at nahirapan po kami pagkasayahin ang kinikita ng tindahan para sa aming mag-anak. Naghanap po ng trabaho ang asawa ko. Hindi po ganoon kadali siya nakapasok. Construction, pabrika, at iba pa. Puro contractual lang po ang pagtanggap sa kanya. Wala pong kasiguraduhan. Hanggang sa mabalian siya ng tuhod at hindi na kinayang magtrabaho ng mabigat.

Dalawa po ang anak namin. Nagawa lang po nilang makatapos ng hayskul. Wala po kaming pera pangkolehiyo. Hindi naman po sila ganoon katalino para maging iskolar. Maaga na din po silang nag-asawa.

Saksi po ako sa pagbabago ng ugali ng tao sa ating bansa. Noong bata pa po ako ay masaya po kaming naglalaro araw-araw sa daan. Ngunit sa panahon po ng aking mga apo, marami na pong sasakyan sa kalsada, at hindi na rin ligtas sa gabi dahil marami na pong kabataan ngayon ang nalululong sa droga at nakakagawa ng krimen. Isa po sa mga apo ko ay nakursunadahan ng isang adik at nasaksak. Dahil siguro sa mahirap lang kami, hindi po nahuli ng mga pulis ang kriminal.

Naaalala ko din po, noong bata pa ako, gustung-gusto ko pong sumasakay sa jeep. Parang iskursyon palagi iyon para sa kin, kahit papunta lang po kami sa kabayanan para bumili ng paninda para sa tindahan namin. Ngunit sa katandaan ko, palagi na lang pong siksikan ang mga jeep. Ang mga drayber po ay hindi umaalis ng terminal na hindi puno ang jip. Tumitigil na din sila sa mga kanto para maghintay ng pasahero. Ang iingay na nila sa pagtawag ng mga pasahero, di gaya ng dati. At marami sa mga jeep ay may mga bangkitong inilalagay sa gitna para sa karagdagang pasahero. Kaya napakasikip na po ng mga jeep. Sa maraming beses po, puno na po ang jeep ay sumisigaw pa po ang drayber (o kunduktor) na maluwag pa. O kaya'y may dalawa pa, na ang totoo ay sa bangkito na lang pauupuin ang bagong sakay. Talamak na po ang kasinungalingan ngayon.

Sa aming pamimili sa palengke, karamihan po ng mga tindera ngayon ay may ginagawang pandaraya. Pang bumili ka ng isang kilong kamatis, asahan mo na may isang pangit. Sa pagbili ng isang taling talong, palaging may isang may uod. Sa pagbili ng isda, napakahirap po makakuha ng totoong sariwa.

Napakarami na rin po ng mga tambay sa mga kanto na maiingay na sumisigaw para sa mga jeep. Mga barker po ang mga ito, mga nagtatawag ng pasahero para sa isang jeep, kapalit ang maliit na halaga mula sa mga drayber. Sa halos lahat ng kanto na dadaanan ng mga jeep, may mga barker. Kaya napipilitan ang mga jeep na tumigil sa mga kanto at maghintay, para maisulit ang ibabayad niya sa barker. Ang mga barker ding ito ay walang paggalang. Karamihan sa kanila ay mukhang sanggano na katatakutan mo.

Hindi ko po maintindihan kung bakit dumami ang mga motorsiklo sa paligid. kasabay po nito ang pagdami ng mga balita ng aksidente ng mga nagmomotorsiklo. Sa aking pananaw, ang mga nagmomotorsiklo ay walang tamang batas na sinusunod. Dahil walang nagbabawal sa kanilang magpazigzag-zigzag sa kalsada, ginagawa nila ito ng walang takot. Nagagawa din nilang humarang sa daan at maging dahilan ng trapik. Wala po silang sinusunod na batas ayon sa tamang pwesto o linya nila sa daan.

Napansin ko rin po na ibang-iba na ang mga eskwelahan ngayon. Dati, iginagalang ang mga titser. At huwaran talaga sila ng kabataan. Hindi na ganoon. Maraming beses na po akong nakarinig ng titser na nagmura. May nabalitaan na din po ako na mga titser na nangmolestya ng estudyante. Maraming titser ang nagtitinda na lang sa klase, at hindi na halos nagtuturo. At may mga alam po ako na eskwelahan na negosyo ang paninda sa kantin, na sapilitang pinabibili ang mga bata. Negosyo din ang mga ID, ang mga class picture, ang mga uniporme, ang mga palabas na sine sa skul, ang gradwesyon, at iba pa. Ang sama po talaga.

Ang kabataan? Palalo na po ang karamihan sa kanila. Bastos na kung sumagot sa matatanda. Pasigaw pa kung mangatwiran. Kapag titingnan mo po sila sa mga tambayan, puro porma, puro yabang, puro walang kapalaluang bagay ang pinaggagagawa. Di na po nila iniisip ang kanilang kinabukasan, basta masaya po sila. Lalo na pong wala silang pakialam sa matatanda, o sa bansa. Di nga po ba't dumami ang mga adik na kabataan? Dumami din po ang mga batang kriminal. Sino po ba ang mga tambay sa mga kanto ngayon na naghahanap lagi ng away? Mga kabataan po. Wala na po yung matatabang maton. Puro kabataang adik na ang nandoon.

Ang mga ito po ang ilan sa napakaruming mga sitwasyon ng ating bansa sa nagdaang pamahalaan. Kanser, ayon nga po kay Jose Rizal. Malaki po ang pasasalamat ko na nagbago ang takbo ng buhay namin mula ng itatag ang bagong Pilipinas. Ngayon po ay nakatira po ako sa pamayanan ng mga matatanda kasama ang aking asawa. Kahit papano po ay nakakapanahi pa kami at nakakapagtanim ng mga gulay. May mga tao po ng gobyero na nag-aalaga sa amin. Kumakain po kami sa oras at di po kami kinukulang. Payapa po ulit ang aming buhay. Sana po ay hindi na po bumalik ang ating bansa sa nakaraan. Sana po ay ganito na lang, hanggang sa kamatayan po namin.

Bigong Demokrasya

Demokrasya. Isang uri ng pamahalaan na kumikilala at nagtatayugod ng labis-labis na mga karapatan ng mga mamamayan. Ito ay isang pamahalaan ng mga mamamayan at para sa mga mamamayan. Ngunit ito rin ay isang pamahalaan na kapakanan ng bansa ay napalitan ng kapakanan ng mga mamamayan, at ang biyaya ng lupa at dagat ay hindi pantay-pantay na naibabahagi sa lahat.

Ang demokrasya ay ang uri ng pamahalaan na pinanggalingan natin, at ang siyang naglugmok sa ating Inang Bayan sa kadiliman ng kasakiman, pagmamalabis, kontrol ng mga dayuhan, at kahirapan.

Karapatan. Iyan ang bantayog ng pamahalaang demokrasya. Layon ng mga batas sa ilalim nito na pangalagaan ang karapatan ng bawat isa, mahirap, mayaman, babae, o lalaki. nandiyan ang karapatang magmay-ari ng lupa at bahay, karapatang bumili ng kahit anong ipinagbibilapatang makapag-aral, at iba pa. Ngunit sa kabila ng malatalulot na kagandahan nito sa unang salita, ang mga karapatang ito ay hindi para sa lahat.

Papaano magkakaroon ng karapatan ang isang walang salapi para makabili ng kanyang nais bilhin? Papaanong magmamay-ari ng sariling lupa at bahay ang isang pamilya na ang perang pantustos ay para lang sa pagkain. Oo nga, nasa pagpupunyagi ang solusyon ng mga bagay-bagay, ngunit ang katauhan ng mga tao ay natural na hindi pantay-pantay. Ang malalakas ang katawan lamangang pwedeng makapagtrabaho ng maayos. Ang mga matatalino lamang ang may pagkakataon na magkaroon ng mataas na pwesto sa mga pagawaan, pamayanan o gobyerno. Ang mga mangmang, ang mga mahihina ang katawan, lalo na ang mga may kapansanan at matatanda ay wala nang pag-asa.

Sa paglago ng pamayanan sa isang demokrasya, kayamanan ang nagiging simbolo ng asenso at kapangyarihan. Ang mga pulitiko na maraming pera lamang ang nagiging opisyal ng pamahalaan. Ang mga may pera lang ang nakakapagnegosyo. Ang mga mayayaman lang ang mga nakikilala sa mga matataas na bahagdan ng lipunan.

Nasaan ang mga mahihirap at mahihina? Nasa bukid, nagsasaka ng lupang hindi sa kanila. Nasa pabrika, nagbabanat ng buto ng walo hanggang sampung oras. Nasa kalsada, namamalimos o nagiging biktima na lang ng krimen.

Dahil sa pagnanasang yumaman, ang mga mahihirap ay nabubulid sa mga gawaing ilegal. Ang mga tindero at tindera ay nagagawang mandaya. Ang mga drayber ay nagagawang magsakay ng labis sa kapasidad ng mga sasakyan nila. Ang mga empleyado ay nagagawang mangumit. Maging ang mga guro, na huwaran ng mga kabataan, ay nagagawang pagnasaan ang kakarampot na perang baon ng mga estudyante.

Ito ang bunga ng demokrasya, isang pamahalaan na pinamumugaran ng kasakiman at paghahngad, isang kalakaran na ang mayayaman ay mas nakatatas sa mga mahihirap. Isang bansang walang pagkakapantay-pantay. Isang bansang ang kultura ay nakaligtaan dahil sa pangangailangang materyal.

Ito ba ang nais mong bansa?

Bigo ang demokrasya. Bigo ito na mapagkaisa ang isang bansa sa lahat ng antas nito. Bito ito na mabigyan ng hustisya ang lahat ng pantay-pantay. Bigo ito na mabigyan ng dangal ang lahat ng mamamayan. At higit sa lahat, bigo ito na maitaguyod ang kabutihang asal at panggalang sa kapwa.

Ito ang dahilan kung bakit ang Pambansang Konseho ay nabuo, at ang Bagong Pilipinas ay ating naitatag. Totoo, hindi tayo demokrasya. Limitado ang kalayaan ng mga mamamayan. Ngunit ang ating bansa ay itinataguyod ang pagkakapantay-pantay ng lahat. Walang mahirap, walang mayaman. Ang lahat ay may karampatang pwesto sa lipunan. Ang lahat ay naglilingkod para sa bayan, at ang bunga ng ating mga pagpupunyagi ay naibabahagi ng pantay-pantay sa lahat. Ang Bagong Pilipinas, anuman ang sabihin ng ibang bansang napipiit pa rin sa mga motibo ng bigong demokrasya, ay payapa, masaya, at tagumpay.

Friday, August 7, 2009

Kamatayan Para sa mga Traydor sa Bayan

Mga kapatid kong Pilipino,

Ako ay labis na nalulungkot sa mga pangyayari nitong mga nakaraang araw. Ang mga ebidensya na nakalap natin ay tumpak na nagpapatunay sa ginawa ng ilan nating mga kapatid. At dahil dito, sila ay naparusahan ng kamatayan. Saksi kayo sa pagbitay na ginawa sa kanila. Malagim. Malungkot. Nakakapanindig balahibo. Pero nararapat.

Ano ba ang kanilang kasalanan? Hindi lingid sa inyo na sila ay nagkuntsabahan para manghikayat sa ating mga mamamayan na mag-isip ng baluktot laban sa pamahalaan. Batid din ninyo na humingi sila ng tulong mula sa ibang bansa laban sa ating gobyerno, na dahil dito ay nasira ng bahagya ang dangal na mayroon ang ating bansa. Ang mga dayuhan na noon pa kumakalaban sa ating mga alituntunin ay hindi naman kumilos laban sa atin, salamat sa Dyos. Ngunit ang kanilang ginawa ay sumira sa kultura na pinipilit nating linisin para sa tamang pag-unlad ng bansa.

Ano na lang ang sasabihin ng mga kabataan sa pagkilos nila na ito? Hindi ba't pwede silang gayahin ng mga bata? Ano na lang ang iisipin ng iba sa atin? Na maaari nating ibalik ang dating magulong pamamalakad ilang taon na ang nakararaan? Nais pa ba nating bumalik sa isang demokrasyang ang mayayaman lang ang nakikinabang, at tayo ay ginagatasan ng mga dayuhan?

Mga kapatid, ang mga taong ito ay mga dating opisyal ng gobyerno, mga dating negosyante, mga dating sundalo, mga taong nasanay sa buhay na nakatataas sila sa iba. Binigyan natin sila ng pagkakataong mamuhan dito sa ating bayan ng pantay-pantay sa lahat. HInayaan natin silang kumain sa ating mga pinagpaguran, uminom mula sa tubig na ating inigib, matulog sa mga bahay na ating itinayo. Nais nilang ibalik ang isang madilim na bahagi ng kasaysayan kung saan ang mahihirap ay halos walang makain at matulugan. Nais nilang bumalik sa kapangyarihan at yurakan muli ang ating mga kahinaan. Papayag ba tayo?

Higit sa pagtataksil nila sa bayan, nagawa din ng ilan sa kanila na pumatay. Sa pagnanais nilang itago ang kanilang insureksyon, nagawa nilang patayin ang ilan sa ating mga sundalo at mga opisyal na hindi pumayag pakisama sa kanila. Natural lang sa ating mga opisyal ng pamahalaan, lalo na sa ating mga sundalo, na hindi makisama sa kanila. Ang bawat isang lingkod ng bayan ay mahal ang bayan at nauunawaan ang kalagim lagim na mangyayari kapag ibinalik ang dating demokrasya ng mayayaman. Ang ating mga lingkod at iniulat sa ating pamahalaan ang mga pangyayari, at dahil dito, sila ay namatay. Sila ay mga bayani.

Kanina, alas-sais ng gabi, sa paglubog ng araw sa kanluran, sila ay binitay sa salang pagpatay at pagtataksil sa bayan. Nawa'y magawa nating linisin sa ating mga tahanan at pamayanan ang maitim na espiritu ng insureksyon na ginawa nila. Nawa'y walang sumunod sa kanila. Masakit pumatay ng isang kapatid na Pilipino, subalit kung ang Inang Bayan ang mapapahamak, hindi mangingimi ang pamahalaan na kumilos para protektahan sya.

Ang Pamayanan

Sa bagong Pilipinas, ang pamayanan ang pinakamahalagang bahagi ng bansa. Dito uusad ang pinakapraktikal na elemento ng pamahalaan, kabilang ang serbisyo sosyal, paglilingkod, hanapbuhay, mga kasiyahan, at ang kapakanan ng lahat.

Ang pamayanan ng makabagong Pilipinas ay binubuo ng mga tahanan at mga serbisyong sosyal na nakapaligid sa kanila. Bawat tahanan at binubuo ng isang pamilya, o ng isang komyun. Ang komyun at binubuo ng dalawa hanggang limang mamamayan na may parehong kasarian, lalaki o babae. Ang bawat isang pamayanan ay may iisa lang gawaing komunidad. Pwedeng pagawaan ng sasakyan, pagawaan ng damit, taniman, o pangisdaan. Ang lahat ng gawain ng mga mamamayan sa pamayanan ay naaayon sa industriya na ito.

Nakapaligid sa pamayanan ang ospital, opisina ng serbisyo sosyal, munisipyo, palengke, simbahan, at iba pa. Umiikot ang mga pambansang jip para sa mga tao. Nagrarasyon ng pagkain ang mga palengke. Nagtatrabaho ang lahat ng walang sweldo, ngunit ang lahat ng pangangailangan ay ibinibigay sa kanila--pagkain, damit, tubig, at iba pa.

Ang araw sa pamayanan ay nagsisimula ng alas sais ng umaga, kung kailan ang lahat ay nag-eehersisyo sa loob ng isang oras. Pagdating ng alas-syete, ang lahat at babalik sa mga tahanan para mag-almusal at maghanda. Alas-nwebe ang pasok sa trabaho. Alas dose ang tanghalian. Ala-una ay trabaho ulit. Alas kwatro ay simula na ng oras ng pakikihalubilo, kung saan pwedeng gawin ang lahat ng sports, sayawan, kantahan, panonood ng sine, at iba pa. Alas syete ay nasa bahay na ang lahat, hanggang alas dyes, kung saan wala nang pwedeng lumabas.

Mahigpit ang pagpapatupat sa mga alituntunin ng komunidad. Ito ay upang maiwasan ang pagkakataong gumawa ng krimen ang sinuman. Ginagawa rin ang oras ng exercise para sa kabutihan ng katawan. Ginagawa ang oras ng pakikihalubilo para sa mga sports, mga gawaing simbahan, mga sining, at iba pa, na naglalayon na mapaunlad ang kakayahan ng bawat isa sa kanya-kanyang talento.

Ang bawat pamayanan sa bansa ay bahagi ng pambansang ekonomiya. Bawat isa ay mahalaga. Kaya bawat mamamayan dito ay mahalaga din. Ito ang magtataguyod sa ating bansa para sa pag-unlad.

Ang Kawal Pilipino

Ang bagong hukbo ng Pilipinas ay isang makabagong hukbo na naaayon sa marangal na tradisyon ng mga bayaning lingkod ng bayan. Bawat isang sundalo ng bansa ay naglilingkod sa bayan ng buong puso at buong buhay. Lahat ng sundalo ay ibinubuhos ang kanilang oras para sa bayan. Hindi sila pinapayagang mag-asawa at mag-anak. Hindi rin sila pinapayagang mamuhay ng may karangyaan.

Bawat isang sundalo ay dumaan sa mahigpit na pagsala at malupit na pagsasanay. Ang isang nagnanais na maging sundalo ay dadaan sa pagsubok pisikal, mental, sikolohiyal, at pagmamahal sa bayan. Kailangang walang sakit at may likas na kakayahan ang katawan ng isang kandidato. Kailangang may "common sense" at matalas ang praktikal na isip. Kailangang walang problemang emosyonal at matatag ang puso at espiritu. Higit sa lahat, kailangang handang ibigay ang buhay para sa bayan. Sa kanilang pagsasanay, ang mga sundalo ay dumadaan pa rin sa napakaraming mga pagsubok na susubok sa kanilang likas na loyalidad sa bansa, ganundin sa dangal ng kanilang mga puso at isip.

Pinipilit ng gobyerno na ang mga sundalong maglilingkod sa bayan at sa publiko ay malilinis ang isip at puso, walang pag-iimbot, walang sariling ambisyon, walang takot mamatay para sa bayan, walang ugaling bastos. Ang pedestal ng kanyang pagkatao ay ang pagmamahal sa bayan, dangal ng pagkatao, katapangan, at kalinisan ng loob. Ang bawat sundalo ay dapat maging huwaran ng mga tao. ANg bawat sundalo ay dapat magmistulang mga bayani ng bansa.

Sa huli, kapag ang isang sundalo ay napagbintangan ng paggawa ng masama, ang isang sundalo ay hindi mangingiming umalis sa tungkulin at mamundok, kung saan ay pwede niyang paglingkuran ang kalikasan ng hindi nababanaag ng lahat.

Parusang Korporal at Parusang Kamatayan

Oktubre 1 ng taong ito. Ibinalik ng bagong pamahalaan ang parusang kamatayan para sa mga krimeng idineklarang "heinous". Ayon sa Batas bilang 1103, ang batas ng parusang korporal, sa ilalim ng seksyon ng hustisya, ang mga kriminal na napatunayang pumatay, nang-"rape", nanunog, nagtinda ng droga, at iba pa, ay paparusan ng kamatayan sa pamamagitan ng pagbigti. Ang mas magaang na krimen ng pagnanakaw ng hihigit sa limang libo, ang pangmomolestya, ang pambabastos sa mga simbolo ng bansa, ang pagtataksil sa bansa, at iba pa, at paparusahan ng kamatayan sa pamamagitan ng paglason. Ang mas mabababang kasalanan ay paparusahan ng pampublikong pagpalo at pagtapon sa mga isla ng repormasyon, kung saan sila ay sasanaying mabuhay sa hirap ng maayos.

Ayon din sa batas na ito, ang mga maliliit na kasalanan tulad ng paglabag sa batas trapiko, pagmumura, pag-ingay, pagdadala o paggamit ng mga ipinagbabawal, ay parurusahan ng pagpalo. Ang mga maliliit na krimeng ito ay paparusahan agad-agad kung may ebidensyang video.

ANg mga malalaking krimen naman ay lilitisin lamang sa loob ng panahong di lalampas sa isang buwan. Sa pamamagitan ng mga bagong kagamitan ngayon, at sa tulong ng mga makabagong alituntunin na nagsasaayos ng lahat, hindi magiging mahirap magbigay ng hustisya para sa lahat.

Makabagong Batas Para Sa Mga Sasakyang Panlupa

Ang mga sumusunod ay ayon sa legal na dokumentong nagsasaad ng bagong batas para sa mga sasakyang panlupa sa buong Pilipinas.

Epektibo Enero sa darating na taon, ipagbabawal na ang mga sasakyang de-motor na may dalawa (2) o tatlong (3) gulong. Ang sinumang lalabag sa batas na ito ay may karampatang multa na isang libong piso, parusang katumbas ng mula sampu (10) hanggang dalawampung (20) palo, at pagkumpiska sa naturang ipinagbabawal na sasakyan.

Alinsunod sa kaparehong petsa, ipagbabawal na ang paggamit ng mga sasakyang hindi otorisado ng pamahalaan. Kabilang dito ang lahat ng kotse, SUV, at van. Ang tanging papayagang gumamit ng mga kalsada ay ang mga pambansang jip na rehistrado sa lokal na munisipyo at nagtataglay ng stiker ng bagong Pilipinas. Ang sinumang may-ari ng mga ipinagbabawal na sasakyan ay maaaring ipalit ang kanilang mga sasakyan sa ating mga rehistradong ahente upang sila ay magkaroon ng legal na sasakyan. Ang mga ipinagbabawal na sasakyan ay kakalasin at ireremodel para maging ayon sa disenyo at kakayahan ng rehistradong sasakyan.

Ang mga pambansang jip ay magtataglay ng kulay sa katawan nito na naaayon sa klase nito. Pula ang kulay ng mga jip na ginagamit ng mga opisyal ng gobyerno, puti ang kulay ng mga serbisyong medical at sosyal, berde ang kulay para sa mga pulis at sundalo, at dilaw ang pampublikong sasakyan.

Ang mga pampublikong jip aymagseserbisyo sa puliko na naaayon sa makabagong alituntunin na isinasaad ng batas, at ang mahahalaga sa mga alituntuning ito ay nakasaad sa ibaba.

Bawat pampublikong sasakyan ay may kapasidad na magsakay ng labinlimang pasahero. Ang drayber at labing-apat na pasahero sa loob. Ang disenyo nito ay katulad ng mga bus na ang pasukan ay nasa harap, sa tabi mismo ng drayber. Hindi dapat lumabis sa dalawampu ang pasahero. Hindi rin dapat magpasabit. Ang bawat pasahero ay hindi dapat magbayad dahil ang mga drayber ay sinuswelduhan ng gobyerno. Pwede lang tumigil ang mga jip sa tamang tigilan na namamarkahan ng mga karatula. Magkahiwalay ang lugar ng sakayan at babaan. Ang lugar ng babaan ay magmula sa isang markadong pwesto sa daan at lalagpas dito. Uulitin ko, paglagpas ng marka at hindi bago ang marka. Ang lugar ng sakayan ay nakahiwalay dito, bago ang babaan na may layong dalawampung metro o higit pa. Ang sakayan ay pwede lang maokopahan ng limang jip. Hindi maaaring tumigil ang ibang jip kung walang bakante. Dapat ding sumunod ang mga nakatigil sa jip sa pila, uusad kapag bakante na sa harapan. Ang nasa unahang jip ay dapat umalis sa loob ng sampung segundo kung walang pasaherong papasakay, o sampung segunto matapos sumakay ang huling pasahero.

Ang mga pampublikong jip ay mag-ookopa ng linya ng daan na pinakamalapit sa bangketa. Ang ibang mga jip ay mag-ookopa ng linya na malapit sa gitna. Kung may iba pang linya sa pagitan, maaari itong gamitin sa paglampas sa ibang sasakyan. Pede rin dito dumaan ang kahit anong sasakyan subalit dapat ay mas mabilis ang takbo nila kesa sa mga nasa nabanggit na dalawang linya. Ang mga pribadong sasakyan ay hindi maaaring pumarada sa linya ng mga pampublikong sasakyan. Dapat silang maghanap ng mga paradahan na hindi parte ng kalsada. Hindi rin sila pwedeng tumigil pansamantala.

Ang nga pribadong sasakyan ay inaatasang magsakay ng mga pasahero tuwing maraming pasaherong nag-aabang. Sa ganitong mga pagkakataon, ilalabas nila ang ruta nila na nakasulat ng malinaw sa isang karton. Kapag sa ganitong mga pagkakataon, hindi sila pwedeng umiba ng daan taliwas sa ruta na ipinaskil nila.

Ang mga pribadong sasakyan ay hindi pwedeng gumarahe sa kanilang mga tahanan. Bawat kumunidad ay may itatalagang paradahan para sa mga pribading jip, may karampatang distansya mula sa mga komunidad.

Ang ruta ng mga pampublikong jip ay naaayon sa karaniwang pupuntahan ng mga tao. Lahat ng pampublikong jip ay dapat dadaan sa mga palengke, simbahan, munisipyo, ospital, at sa iba pang gusaling pangserbisyong sosyal.

Ang mga bagong alituntunin na ito ay ipapatupad sa Enero ng darating na taon. Sapat ang panahon para mapaghandaan ito ng lahat. Ang mga ito ay ipapatupad para sa pagkakapantay-pantay ng lahat, para sa kaayusan ng sambayanan, at para sa simpleng ngunit sapat na buhay na inaasam ng pamahalaan para sa lahat.

Monday, June 22, 2009

Talumpati ng tagapagsalita ng pambansang konseho

Mahal kong mga kababayan:

Mahal mo ba ang Pilipinas? Itinuturing mo bang ito ay iyong lupang sinilangan? Kinikilala mo bang ito ay tahanan ng iyong lahi? Handa ka bang mamatay para sa iyong Inang Bayan?

Dakilang mga talata sa ating pambansang awitin at tula, subalit tila lipas na ang panahon ng kinang ng mga salitang ito. Nasaan ka na, kapatid kong Pilipino, sa iyong pagkilala sa iyong Inang Bayan? Katulad ka na rin ba ng mga dayuhang palalo na nakikita mo dati sa ating mga lungsod, nakakotse, nagwawaldas ng pera, nagpapasasa sa kagandahan ng Pilipinas, ng hindi nagbibigay pugay o paggalang sa mga taong nagbuwis ng buhay at nagpaagos ng pawis upang ang karangyaan ng mga lungsod ay matamasa nila? Sa iyong paglalakad-lakad sa mga kanayunan at kalungsuran, napapangiti ka pa ba ng mga ibong umaawit sa mga punungkahoy na mula pa ng pagkabata ay kilala mo na? Natutuwa ka pa ba sa bawat halaman na namumulaklak sa tabing daan sa ganang pagkilala na ito ay mga handog ng kalikasan ng iyong bansa? Napapapalakpak ka pa ba sa mga kagalingan ng kapwa mo Pilipino na naririnig mo sa radyo o telebisyon? Napapaluha ka pa ba ng mga balitang may kababayan kang dumaranas ng hirap gayong marami ang mayayaman?

Tigmak ng dugo ang bayan mo, kapatid. Bago pa ang panahon ng mga Kastila, Amerikano, Hapon, at ibang mga dayuhan, dumadanak na ang dugo sa iyong lupain dahil sa mga paglalaban. Likas sa mga sinaunang Pilipino ang katapangan at karangalan. Subalit maaari nating itanong ngayon, matapos ang ilang silgo ng pananakop ng mga dayuhan, may natitira pa ba sa katapangan at karangalan ng mga Pilipino?

Masdan mo ang paligid mo kapatid. Masdan mo ang mga kababayan mong tuwing makakapulot ng mga bagay sa daan ay hindi na nangingiming angkinin ito. Nawala na ang moralidad na nagtuturo na isauli natin ang hindi sa atin. Masdan mo ang mga iyong mga kapitbahay na hatinggani na ay nagkakaingayan pa, walang pakundangan na sila ay nakakaabala sa pagpapahinga ng iba. Masdan mo ang kalsada, ang mga tsuper na walang pakundangan kung mag-agawan sa linya ng daan, at walang kahihiyan kung makipaggitgitan magawa lang makauna sa patutunguhan. Masdan mo ang mga palengke, ang mga tindero at tindera na nagagawang magsabi ng kasinungalingan mabili lang ng mabilisan ang kanilang paninda. Masdan mo ang mga paaralan, ang mga gurong nagmumura sa kabataan, mga nawawala sa mga silid-aralan, mga nagbababa ng mga paninda sa mga mag-aaral na kadalasan pa ay sapilitan.

Nasaan ang dangal ng Pilipino? May pag-asa pa ba tayo? Sinabi ni Gat Jose Rizal na nasa kabataan ang pag-asa ng bayan. Nasaan ang kabataan? Masdan mo kapatid, ang mga kabataang nakatambay sa gabi, humihithit ng sigarilyo, lumalagok ng alak, nabubuyo sa ilagal na droga, nagsisimula ng mga away, gumagawa ng mga kabastusan. Masdan mo ang kanilang kawalang galang sa mga matatanda kung sila ay magsalita. Pakinggan mo ang kanilang mga kasinungalingan sa kanilang mga magulang. Titigan mo ang mga basurang kanilang iginuguhit sa mga pader na hindi kanila. Pakiramdaman mo ang karumihan ng kanilang mga isip.

Sila ba ang pag-asa?

Itanong mo sa sarili mo, kapatid, may kabataan pa bang nagmamahal sa Inang Bayab ngayon na handang ibigay ang buhay para sa Pilipinas?

Batid ng pambansang konseho ang delubyo sa ating kultura, isang karimarimarim na sakit ng kawalan ng pagkilala sa Inang Bayan, at kawalan ng galang o pagkahiya sa kapwa tao. Naging sakim na ang Pilipino, at nagagawa na niyang gawin ang kahit ano para sa sarili niyang kapakanan.

Mali. Maling-mali. Kaya nga napagdesisyunan ng konseho na aksyunan ang madilim na katotohanang ito.

Kapatid, ipagpatawad mo, ngunit hinihingi ng pagkakataon na proteksyunan ng mga makabayang Pilipino ang Inang Bayang Pilipinas laban sa mga anak niya na sumisira sa kanya. Hinihingi ng tanhana na ituro ang tamang landas sa iyo pabalik sa isang pagiging mamamayang matuwid, marangal, at makabayan. Hinihingi ng kasaysayan na iligtas ka namin mula sa iyong sarili.

Hindi mo man magustuhan ang aming mga kaparaanan, balang araw ay makikita mo rin ang bunga ng lahat. Makaranas ka man ng paghihirap, mapagtatanto mo rin sa kinabukasan ang kabutihan ng lahat ng ito. Para kang isang sanggol na kailangang turuang lumakad dahil nalimutan mo na kung papaano lumakad ng matuwid. Para kang isang bata na kailangang ituwid, minsan sa pamamagitan ng pamalo, dahil nagagawa mo nang makasakit sa kapwa mo at sa iyong bansa. Ibigay mo, kapatid, ang iyong puso at buhay sa Inang Bayan, at ang lahat ay hindi magiging mahirap. Sa layunin ng konseho na maging pantay-pantay ang lahat, natural lang na ang iyong mga nakalakihang kalayaan ay hindi pwedeng manatili lahat. Iwaksi mo ang pagiging makasarili at magmalasakit ka sa kapwa, sa iyongmga kapatid na Pilipino, at magiging matamis ang mga magaganap.

Ngunit kung ipipilit mona sundin ang iyong kasakiman na mamuhay sa paraang gusto mo, mahihirapan ka kapatid. Ang bagong Pilipinas ay isang bansa ng mga mamamayang makabayan at marangal. Sa pagpapakita mo ng kasakiman, ng kawalang-hiyaan, ng kawalang pakialam sa iba, itinuring mo na ang sarili mo na isang taksil sa bayan, at ang kataksilan sa bayan ay malupit ang kaparusahan.

Bukas, pagsikat ng araw, sisimulan ang isang bagong kasaysayan sa ating Inang Bayan.

Mabuhay ang Pilipinas!

Sunday, June 14, 2009

Balik-tanaw

Napakasarap langhapin ng hanging malinis. Napakasarap isipin na ang ating inang Pilipinas at ang kanyang mga anak ay ganap na naipamamalas ang kadakilaan ng pagmamahal at kalayaan. Ang mga tinatamasa nating kalayaan, kabutihan, kapayapaan, at pagkakapantay-pantay ay hindi natin madaling natamo.

Bago naganap ang rebolusyon limang taon na ang nakalilipas, ang Pilipinas ay isang marumi at naghihirap na bansa sa Timog Silangang Asya. Bago naganap ang dakilang pagbabago, ang mga Pilipino ay nagsilbing alipin sa ating sariling bayan. Karamihan sa mga mauunlad na lupain sa bansa ay pagmamay-ari ng mga dayuhan, o ng mga mayayamang Pilipino na higit na pinahahalagahan ang sarili kesa sa bansa. Nagkalat ang mga establisimento ng komersyo na karamihan ay hawak ng mga dayuhan at eletistang mayayaman. Ang ilang nagpupunyaging Pilipino na nagmula sa mga karaniwang mamamayan ay di magawang makapantay man lang sa bahagdan ng mga eletista at dayuhan. Ang resulta, ang mga negosyo at patuloy na sinipsip ang kabuhayan ng mga karaniwang mamamayan, na sa kasamaang palad ay patuloy na nagpalinlang sa nakakasilaw na pang-aakit at impluwensyang subliminal ng mga patalastas. Sa halip na mapagkasya ng mga pamilya ang kanilang kinikita sa mga importanteng bagay, gaya ng pagkain, pabahay, damit, kalusugan, at edukasyon, ang Pilipino ay naeenganyong gumastos para bumili ng mga makabagong kagamitan tulad ng telebisyon, DVD, at cellular phone.

Sa malaking kaguluhan na ito, patuloy ang gobyerno noon sa pagsasapribado ng mga lupain at korporasyon ng estado, na ang resulta ay ang higit na kawalan ng kontrol sa presyo ng mga mahahalagang pangangailangan. Sa kasibaan ng mga opisyal ng gobyerno sa pera, ipinagpalit nila ang kinabukasan ng mga mamamayan sa pansariling kayamanan. Hindi nga ba't maaalala pa natin kung gaano nagawang magpayaman ng mga kumpanya ng langis dahil sa pribatisasyon? At walang magawa ang mga mamamayan o ang estado upang pigilin ang pagmamalabis na ito? Hindi nga ba't naaalala pa natin ang isang batas na pumayag magmay-ari ang mga dayuhan ng mga lupain dito sa atin, isang hakbang na nagpataas ng presyo ng mga lupain at nag-engganyo sa mga kapatin natin upang ibenta ang kanilang mga lupa? Hindi nga ba't sa kalaunan at 90% ng Pilipinas ay naging pag-aari ng mga dayuhan, at ang lahat ng antas ng buhay ay naging hawak nila?

Saksi ako sa madilim na nakaraang ito, isang panginatin na hindi nasikmura ng mga tunay na anak ng bayan na nagmamahal sa Pilipinas.

Nagsimula sa isang maliit at hindi masipil na asosasyon sa internet, natunton ang mga Pilipinong nagmamalasakit sa bayan, mga Pilipinong handang magbuwis ng buhay upang maituwid ang limandaang siglo ng pagkaalipin, mga Pilipinong nakakaunawa na ang tanging pag-asa ng bansa ay isang ganap na rebolusyon.

Limang taon na ang nakakaraan, dumanak ang dugo, dugo ng mga Pilipino, mga makabayan laban sa mga alipin ng dayuhan, mga anak ng bayan laban sa mga alipin ng salapi at kapangyarihan. Isang matalinong labanan, isang pagkilos upang lipulin ang mga nasa kapangyarihan na walang malasakit sa bayan. Nagawa nating iligpit sila, mula sa mga tiwaling pulis at opisyal barangay, hanggang sa mga buwaya na nakaluklok sa Malakanyang. Sinundan ito ng pagbaligtad ng karamihan ng ating hukbong bayan, mga ordinaryong sundalo na hinawakan sa leeg ng mga tiwaling pinuno. Sa pagkakaligpit ng mga namumuno, tumayo ang mga sundalong tunay na nagmamalasakit sa bayan.

Simpleng mga salita, hindi kailangan ng mapanlinlang na patalastas. Mahal mo ba ang bansa mo? Ito ang tanong na umukilkil ng katotohana sa mga anak ng bayan. "Ang mamatay ng dahil sa yo," sabi ng ang pambansang awit. Handa ba ang Pilipino upang isabuhay ang talatang ito. Handa ba siyang magsakripisyo? Handa ba siyang talikuran ang karangyaan at materyal na kasaganaan? Handa ba siyang maglingkod ng may katwiran at karangalan sa halip na isipin ang pansariling kinabukasan. Mahal mo ba ang bansa mo? Kung gayon, ibigay mo ang lahat ng sa iyo sa kanya. Sa idelohiyang ito kumapit ang mga anak ng bayan, na sinang-ayunan ng karamihan ng ating mga sundalo, at maging ng partidong makakaliwa. Kumunismo, ayon sa mga dayuhan. Sosyalismo, ayon sa mga burgis na may hawak ng mga peryodiko at palabas sa telebisyon. Nahati ang bansa dahil dito, bunga na rin ng ating pagiging mangmang sa katotohanan ng sibilisasyon, kamangkangan na bunga ng kasinungalingan ng mga dayuhan.

Isang estado na hawak lahat ng yaman ng bansa. Mga mamamayan na naglilingkod sa bansa para sa ikauunlad nito. Pagkain, pabahay, edukasyon, pananamit, at iba pa na ipinamamahagi ng pantay-pantay sa lahat. Isang bansang walang mahirap at mayaman. Isang bansang may dangal at pangalan. Komunismo? Sa kalagayan ng bansa, ano ang hinanap ng mga mamamayan, ang pang-aalipin sa gobyernong demokrasya, o ang kaginhawaan sa gobyernong ito?

Limang taon na ang nakararaan, isang ganap na pagbabago. Bansang Pilipinas, nalugmok, lumaban, at nakabangon.

Pilipinas Kong Mahal

Limang taon na ang nakalilipas mula nang itaguyod natin ang Bagong Pilipinas, isang bansa na kumikilala sa kadakilaan ng mga mamamayang nagmamahal sa kanya, isang bansa ng mga mamamayang malaya sa impluwensya ng dayuhan, isang bansa na nagtataguyod ng pagkakapantay-pantay ng mga mamamayan, isang bansa para sa matuwid at malinis na pamumuhay. Sa dinami-dami ng mga isyu tungkol sa ating malaking pagbabago, kasama na ang napakadramatikong pagkontra ng kanluran, mga banta ng pananakop, mga embargo ng mga dayuhang baluktot ang paniniwala, nandito pa tayo, nakatayo, umuunlad, at malaya.

Sino nga ba ang Pilipino bago ang pagbabagong naganap limang taon na ang nakakaraan? Ano nga ba ang ningning ng bansang Pilipinas. Oo nga at nababanggit sa pandaigdigang larangan ang Pilipinas sa madugong kasaysayan ng ikalawang digmaang pandaigdig, walang halaga ito sa ibang mga bansa. Sa pagdaan ng panahon, higit na nakilala ang Pilipinas bilang isang bansa ng mga alipin, mga murang manggagawa, at mga babaeng bayaran. Ano pa nga ba't napakaraming dayuhan ang nagtungo dito sa atin upang abusuhin ang mga kahinaan ng ating mga naunang mamamayan, upang matapakan nila ang mahinang kamay ng ating mga batas, at upang mayurakan nila ang dangal ng ating mga mamamayan.

Naging mahirap ang Pilipino sa paglipas ng panahon. Ang ilusyon bilang pangunahin sa Timong Silangang Asya sa larangan ng sibilisasyon ay ganap na natabunan na ng katotohanan na tayong nanatiling salat sa pansariling katatagan kumpara sa mga bansang nakapaligid sa atin. Ganap na nanganib ang pagkalantad natin sa dayuhang pananakop. Ganap na isinuko ng mga nauna sa atin ang pagiging malaya.

Ngunit hindi na ngayon. Limang taon na ang nakararaan nang ibagsak natin ang sistema na nagsisilbing balakid sa ating ganap na kalayaan. Limang taon na mula nang itatag natin ang makatotohanang kultura at gobyernong Pilipino na nagtataguyod sa pagkakapantay-pantay ng mga mamamayan, pag-unlad ng ekonomiyang nagbubuklod sa lahing kayumanggi, at pagbusilak ng kulturang tanging atin. Ganap na nasindak ang mga dayuhan, ngunit ang mga bagong Pilipino ay hindi na magpapatakot sa kanilang sakim na mga intensyon.

Ang pambansang konseho ng mamamayang Pilipino ay patuloy na kumikilos upang mapanatiling tumatakbo ang ating bansa sa direksyong ililahad natin limang taon na ang nakararaan, sa mga adhikain ng kalayaan, kabutihan, at pagkakapantay-pantay. Ang pambansang hukbo ay patuloy na naghahanda upang ipagtanggol ang bansa sa dayuhang mananakop, kung saan lahat tayo at magiging kabahagi kapag nagkataon. Ang pambansang kapulisan at patuloy na kumikilos upang panatiliing mapayapa ang bawat bahagi ng bansa. Ang pambansang ahensya ng kultura ay patuloy na kumikilos upang mapanatiling malinis, mabuti, at marangal ang ating kulturang Pilipino. Ang pambansang ahensya ng edukasyon ay patuloy na kumikilos upang mapataas ang antas ng karunungan para sa lahat, ng naaayon sa ating tunay na pagka-Pilipino. Ang pambansang ahensya ng kabuhayan at patuloy na kumikilos upang ang bunga ng ating pagpupunyagi ay maipamahagi ng pantay-pantay sa lahat.

Tapos na ang panahon na ang mahirap ay di kayang abutin ang pedestal ng mayayaman. Tapos na ang panahon na ang mga manggagawa ay nagsisilbing alipin sa mga korporasyon ng mga mayayaman at mga dayuhan. Tapos na ang panahon ng kawalan ng disiplina at pagkarimarim ng ating kulturang Pilipino. Ganap na nakabangon na ang Pilipinas sa delubyong o bangungot na ito. Ganap na nating naitatag ang tunay at busilak na lahing Pilipino na nabubuhay at naglilingkod para sa ating mahal na Pilipinas.

Mabuhay ka, Pinoy!