Monday, June 22, 2009

Talumpati ng tagapagsalita ng pambansang konseho

Mahal kong mga kababayan:

Mahal mo ba ang Pilipinas? Itinuturing mo bang ito ay iyong lupang sinilangan? Kinikilala mo bang ito ay tahanan ng iyong lahi? Handa ka bang mamatay para sa iyong Inang Bayan?

Dakilang mga talata sa ating pambansang awitin at tula, subalit tila lipas na ang panahon ng kinang ng mga salitang ito. Nasaan ka na, kapatid kong Pilipino, sa iyong pagkilala sa iyong Inang Bayan? Katulad ka na rin ba ng mga dayuhang palalo na nakikita mo dati sa ating mga lungsod, nakakotse, nagwawaldas ng pera, nagpapasasa sa kagandahan ng Pilipinas, ng hindi nagbibigay pugay o paggalang sa mga taong nagbuwis ng buhay at nagpaagos ng pawis upang ang karangyaan ng mga lungsod ay matamasa nila? Sa iyong paglalakad-lakad sa mga kanayunan at kalungsuran, napapangiti ka pa ba ng mga ibong umaawit sa mga punungkahoy na mula pa ng pagkabata ay kilala mo na? Natutuwa ka pa ba sa bawat halaman na namumulaklak sa tabing daan sa ganang pagkilala na ito ay mga handog ng kalikasan ng iyong bansa? Napapapalakpak ka pa ba sa mga kagalingan ng kapwa mo Pilipino na naririnig mo sa radyo o telebisyon? Napapaluha ka pa ba ng mga balitang may kababayan kang dumaranas ng hirap gayong marami ang mayayaman?

Tigmak ng dugo ang bayan mo, kapatid. Bago pa ang panahon ng mga Kastila, Amerikano, Hapon, at ibang mga dayuhan, dumadanak na ang dugo sa iyong lupain dahil sa mga paglalaban. Likas sa mga sinaunang Pilipino ang katapangan at karangalan. Subalit maaari nating itanong ngayon, matapos ang ilang silgo ng pananakop ng mga dayuhan, may natitira pa ba sa katapangan at karangalan ng mga Pilipino?

Masdan mo ang paligid mo kapatid. Masdan mo ang mga kababayan mong tuwing makakapulot ng mga bagay sa daan ay hindi na nangingiming angkinin ito. Nawala na ang moralidad na nagtuturo na isauli natin ang hindi sa atin. Masdan mo ang mga iyong mga kapitbahay na hatinggani na ay nagkakaingayan pa, walang pakundangan na sila ay nakakaabala sa pagpapahinga ng iba. Masdan mo ang kalsada, ang mga tsuper na walang pakundangan kung mag-agawan sa linya ng daan, at walang kahihiyan kung makipaggitgitan magawa lang makauna sa patutunguhan. Masdan mo ang mga palengke, ang mga tindero at tindera na nagagawang magsabi ng kasinungalingan mabili lang ng mabilisan ang kanilang paninda. Masdan mo ang mga paaralan, ang mga gurong nagmumura sa kabataan, mga nawawala sa mga silid-aralan, mga nagbababa ng mga paninda sa mga mag-aaral na kadalasan pa ay sapilitan.

Nasaan ang dangal ng Pilipino? May pag-asa pa ba tayo? Sinabi ni Gat Jose Rizal na nasa kabataan ang pag-asa ng bayan. Nasaan ang kabataan? Masdan mo kapatid, ang mga kabataang nakatambay sa gabi, humihithit ng sigarilyo, lumalagok ng alak, nabubuyo sa ilagal na droga, nagsisimula ng mga away, gumagawa ng mga kabastusan. Masdan mo ang kanilang kawalang galang sa mga matatanda kung sila ay magsalita. Pakinggan mo ang kanilang mga kasinungalingan sa kanilang mga magulang. Titigan mo ang mga basurang kanilang iginuguhit sa mga pader na hindi kanila. Pakiramdaman mo ang karumihan ng kanilang mga isip.

Sila ba ang pag-asa?

Itanong mo sa sarili mo, kapatid, may kabataan pa bang nagmamahal sa Inang Bayab ngayon na handang ibigay ang buhay para sa Pilipinas?

Batid ng pambansang konseho ang delubyo sa ating kultura, isang karimarimarim na sakit ng kawalan ng pagkilala sa Inang Bayan, at kawalan ng galang o pagkahiya sa kapwa tao. Naging sakim na ang Pilipino, at nagagawa na niyang gawin ang kahit ano para sa sarili niyang kapakanan.

Mali. Maling-mali. Kaya nga napagdesisyunan ng konseho na aksyunan ang madilim na katotohanang ito.

Kapatid, ipagpatawad mo, ngunit hinihingi ng pagkakataon na proteksyunan ng mga makabayang Pilipino ang Inang Bayang Pilipinas laban sa mga anak niya na sumisira sa kanya. Hinihingi ng tanhana na ituro ang tamang landas sa iyo pabalik sa isang pagiging mamamayang matuwid, marangal, at makabayan. Hinihingi ng kasaysayan na iligtas ka namin mula sa iyong sarili.

Hindi mo man magustuhan ang aming mga kaparaanan, balang araw ay makikita mo rin ang bunga ng lahat. Makaranas ka man ng paghihirap, mapagtatanto mo rin sa kinabukasan ang kabutihan ng lahat ng ito. Para kang isang sanggol na kailangang turuang lumakad dahil nalimutan mo na kung papaano lumakad ng matuwid. Para kang isang bata na kailangang ituwid, minsan sa pamamagitan ng pamalo, dahil nagagawa mo nang makasakit sa kapwa mo at sa iyong bansa. Ibigay mo, kapatid, ang iyong puso at buhay sa Inang Bayan, at ang lahat ay hindi magiging mahirap. Sa layunin ng konseho na maging pantay-pantay ang lahat, natural lang na ang iyong mga nakalakihang kalayaan ay hindi pwedeng manatili lahat. Iwaksi mo ang pagiging makasarili at magmalasakit ka sa kapwa, sa iyongmga kapatid na Pilipino, at magiging matamis ang mga magaganap.

Ngunit kung ipipilit mona sundin ang iyong kasakiman na mamuhay sa paraang gusto mo, mahihirapan ka kapatid. Ang bagong Pilipinas ay isang bansa ng mga mamamayang makabayan at marangal. Sa pagpapakita mo ng kasakiman, ng kawalang-hiyaan, ng kawalang pakialam sa iba, itinuring mo na ang sarili mo na isang taksil sa bayan, at ang kataksilan sa bayan ay malupit ang kaparusahan.

Bukas, pagsikat ng araw, sisimulan ang isang bagong kasaysayan sa ating Inang Bayan.

Mabuhay ang Pilipinas!

No comments:

Post a Comment