Sunday, June 14, 2009

Pilipinas Kong Mahal

Limang taon na ang nakalilipas mula nang itaguyod natin ang Bagong Pilipinas, isang bansa na kumikilala sa kadakilaan ng mga mamamayang nagmamahal sa kanya, isang bansa ng mga mamamayang malaya sa impluwensya ng dayuhan, isang bansa na nagtataguyod ng pagkakapantay-pantay ng mga mamamayan, isang bansa para sa matuwid at malinis na pamumuhay. Sa dinami-dami ng mga isyu tungkol sa ating malaking pagbabago, kasama na ang napakadramatikong pagkontra ng kanluran, mga banta ng pananakop, mga embargo ng mga dayuhang baluktot ang paniniwala, nandito pa tayo, nakatayo, umuunlad, at malaya.

Sino nga ba ang Pilipino bago ang pagbabagong naganap limang taon na ang nakakaraan? Ano nga ba ang ningning ng bansang Pilipinas. Oo nga at nababanggit sa pandaigdigang larangan ang Pilipinas sa madugong kasaysayan ng ikalawang digmaang pandaigdig, walang halaga ito sa ibang mga bansa. Sa pagdaan ng panahon, higit na nakilala ang Pilipinas bilang isang bansa ng mga alipin, mga murang manggagawa, at mga babaeng bayaran. Ano pa nga ba't napakaraming dayuhan ang nagtungo dito sa atin upang abusuhin ang mga kahinaan ng ating mga naunang mamamayan, upang matapakan nila ang mahinang kamay ng ating mga batas, at upang mayurakan nila ang dangal ng ating mga mamamayan.

Naging mahirap ang Pilipino sa paglipas ng panahon. Ang ilusyon bilang pangunahin sa Timong Silangang Asya sa larangan ng sibilisasyon ay ganap na natabunan na ng katotohanan na tayong nanatiling salat sa pansariling katatagan kumpara sa mga bansang nakapaligid sa atin. Ganap na nanganib ang pagkalantad natin sa dayuhang pananakop. Ganap na isinuko ng mga nauna sa atin ang pagiging malaya.

Ngunit hindi na ngayon. Limang taon na ang nakararaan nang ibagsak natin ang sistema na nagsisilbing balakid sa ating ganap na kalayaan. Limang taon na mula nang itatag natin ang makatotohanang kultura at gobyernong Pilipino na nagtataguyod sa pagkakapantay-pantay ng mga mamamayan, pag-unlad ng ekonomiyang nagbubuklod sa lahing kayumanggi, at pagbusilak ng kulturang tanging atin. Ganap na nasindak ang mga dayuhan, ngunit ang mga bagong Pilipino ay hindi na magpapatakot sa kanilang sakim na mga intensyon.

Ang pambansang konseho ng mamamayang Pilipino ay patuloy na kumikilos upang mapanatiling tumatakbo ang ating bansa sa direksyong ililahad natin limang taon na ang nakararaan, sa mga adhikain ng kalayaan, kabutihan, at pagkakapantay-pantay. Ang pambansang hukbo ay patuloy na naghahanda upang ipagtanggol ang bansa sa dayuhang mananakop, kung saan lahat tayo at magiging kabahagi kapag nagkataon. Ang pambansang kapulisan at patuloy na kumikilos upang panatiliing mapayapa ang bawat bahagi ng bansa. Ang pambansang ahensya ng kultura ay patuloy na kumikilos upang mapanatiling malinis, mabuti, at marangal ang ating kulturang Pilipino. Ang pambansang ahensya ng edukasyon ay patuloy na kumikilos upang mapataas ang antas ng karunungan para sa lahat, ng naaayon sa ating tunay na pagka-Pilipino. Ang pambansang ahensya ng kabuhayan at patuloy na kumikilos upang ang bunga ng ating pagpupunyagi ay maipamahagi ng pantay-pantay sa lahat.

Tapos na ang panahon na ang mahirap ay di kayang abutin ang pedestal ng mayayaman. Tapos na ang panahon na ang mga manggagawa ay nagsisilbing alipin sa mga korporasyon ng mga mayayaman at mga dayuhan. Tapos na ang panahon ng kawalan ng disiplina at pagkarimarim ng ating kulturang Pilipino. Ganap na nakabangon na ang Pilipinas sa delubyong o bangungot na ito. Ganap na nating naitatag ang tunay at busilak na lahing Pilipino na nabubuhay at naglilingkod para sa ating mahal na Pilipinas.

Mabuhay ka, Pinoy!

No comments:

Post a Comment