Wednesday, March 17, 2010

Mga Tala ng Pagbabago: Eleksyon

Eleksyon, isang maruming lusak sa kultura ng maruming pulitika ng bansa, isang yugto na kung saan ang mayayaman at makapangyarihan ay nananaig sa halip na ang boses ng mga mamamayan. Aanhin nga ba ng bansa ang boses ng mga mamamayan na isinusulat sa balota at binibilang upang ihayag ang nais na pamumuno? Papaano kung ang mga natatanging kandidato ay hindi kumakatawan sa tunay na lagay ng nayon, bayan, lalawigan, o bansa?

Sa dinami-dami ng eleksyong dumaan, ito lang ang malinaw, hindi mananalo ang isang kandidato na walang kayamanan. Wala siyang pambili ng boto, pambayad ng mga watcher sa eleksyon, pampakain sa mga boluntaryang tumutulong sa kampanya niya, pampagawa ng mga tarheta at poster, atbpa. Ikalawa, hindi mananalo ang isang kandidatong mabait sa mga ordinaryong mamamayan. Dadayain sya ng kanyang kalaban na ayaw magpatalo, o di kaya'y ipapapatay siya. Ikatlo, ang mananalong kandidato ay magbabayad ng utang na loob sa mga nagbigay ng kontribusyon sa kanyang pangangampanya. At magiging balakid ito sa dapat ay pantay-pantay na turing ng isang pinuno sa kanyang mga nasasakupan. Ikaapat, ang mananalong kandidato ay kakailanganing magnakaw, dahil kung hindi, hindi na siya mananalo sa susunod na eleksyon.

Hindi lamang ang karumihan ng pagkandidato ang kabulukan ng eleksyon. Marumi din ang paraan ng pagpili ng bawat isang mamamayan. Papaano ba pumipili ng iboboto ang ordinaryong Pilipino? Ano ba ang kanyang tinitingnan? Una, dapat ay sikat. Pangalawa, dapat ay marunong mamigay ng salapi. Pangatlo, dapat ay marunong makisama. Hindi ba sa ganitong lagay ay nagiging inutil ang nananalong pinuno dahil sa dami ng kanyang utang na loob?

Ang makalumang eleksyon na ito ay walang pinagkaiba sa isang tiangge. Bayaran. pataasan ng bayad. Kung sino ang magsuhol ng malaki ang iboboto. Kung hindi man ay ganito: Kung sino ang kamag-anak ang iboboto. Kung sino ang kaibigan ang iboboto. Nasaan ang tamang pagpili ng matinong mga pinuno sa ganito?

Kaya nga ang makalumang eleksyon na ito ay bigo, walang ipinagkaiba sa lagay ng demokrasya, bigo. Panahon na para itapon ang maling sistema na ito. Alisan na natin ng karapatan ang mga tao na bumoto dahil hindi naman sila marunong bumoto. Alisin na natin ang eleksyon na nagiging tampulan lang ng pagnanakaw, pandaraya, kasinungalingan, at iba pang kabulukan sa ating kultura.

Ang mga namumuno sa ating mga ahensya ng gubyerno ay dapat walang ipinagkaiba sa mga manager ng mga korporasyon. Dapat ay matalino, marunong magpatakbo, at higit sa lahat, may malasakit sa kanyang trabaho. Dagdag pa dito, dapat ay nagmamahal sa Inang Bayan at sa kanyang nasasakupan, at handang magsakripisyo. Ang posisyon ng isang pinuno ay dapat inaaplayan, pinipili ng mahigpit ang tatayo dito. Gaya ng isang nag-aaplay para maging superbisor, dapt ay dumaan sa mga pagsubok, at ang pinakamahusay ang dapat mapili.

Ang sweldo ng isang pinuno ay di dapat nalalayo sa sweldo ng ordinaryong mamamayan. Ang mga benepisyo niya ay hindi dapat naiiba sa ordinaryong manggagawa. Sa ganitong paraan, tanging ang mga tao lang na nasa puso ang paglilingkod ang magnanais maging pinuno. Iyon lang mga taong may pag-ibig sa Inang Bayan at nangangarap na higit pang mapaganda ang kanyang lupang tinubuan.

Tuesday, March 16, 2010

Kasaysayan ng kataksilan sa bayan

Talumpati ng pinuno ng komisyon ng kultura at kasaysayan sa panahon ng pagbabago.

Basahin mo, kapatid, ang ating kasaysayan. Ungkatin mo ang mga nakatagong katotohanan sa likod ng mga naisulat na titik at salita na tumutukoy sa ating pagka-Pilipino. Di mo ba nais malaman kung sino ang nagsulat ng mga titik na ito? Di mo ba nais matuklasan ang bulok na nakaraan ng bansa mo?
Bulok ang kasaysayan na naisulat para pag-aralan mo sa mga paaralan. Kasinungalingan ang katanyagan ng ilan sa mga bayaning nakilala mo. Kabulukan ang nasa likod ng mga namuno sa ating bayan, mga taong kinikilala natin hanggang ngayon na akala natin ay nakatulong sa atin.
Alam mo ba, kapatid na ang mga Amerikano ang pumili kay Rizal bilang pambansang bayani natin, dahil ang ipinapangalandakan ni Rizal ay kapayapaan, at dahil ayaw nila ng isang mandirigmang bayani na maaaring maging inspirasyon ng mga mamamayan?
Alam mo ba na ang kinikilala nating unang pangulo ng bansa na si Aguinaldo ay hindi ibinoto ng buong bansa kundi ng mga Kabitenyo lang?
Alam mo ba na nagkadayaan pa nga sa botohan na ito?
Alam mo ba na matapos makaaway ni Bonifacio si Aguinaldo, ipinahuli nila si Bonifacio bago pa ito makaalis ng Cavite, dahil siguradong hindi matutupad ang kanilang ambisyong politikal kung makakabalik sa kamaynilaan si Bonifacio?
Alam mo ba na bilang pangulo, si Aguinaldo ang nag-apruba sa pagpatay kay Bonifacio, at malagim ang naging pagpatay dito?
Alam mo ba na ang Lupang Hinirang at ang pambansang watawat natin ay ginawa sa Cavite sa ilalim ng utos ni Aguinaldo?
Alam mo ba na nagkaroon ng kasunduan ang mga Pilipino at Kastila (Biak na Bato) para magkaroon ng tigil-putukan, kapalit ang malaking halaga at ang paglisan ni Aguinaldo papunta Hongkong?
Alam mo ba na matatalo na ng mga Pilipino ang mga Kastila kung di lang nakiaalam ang mga Amerikano?
Alam mo ba na binayaran si Aguinaldo ng mga Amerikano para huwag tapusin ang digmaan at ipaubaya ang huling laban sa kanila?
Alam mo ba na ang pinakamahusay na Heneral ng mga Pilipino noon na si Antonio Luna ay ipinapatay ni Aguinaldo?
Alam mo ba na noong digmaan laban sa Hapon, si Aguinaldo ay sumuporta sa mga Hapon at nangumbinse sa mga Pilipino na huwag nang lumaban sa mga Hapon?

Madilim na nakaraan para sa ating itinuring na unang pamahalaan. Mula sa simula, tigmak ng karumihan. Traydor na pinuno, ganid na pangulo. Dapat ba natin siyang kilalanin? Ilan ba ang namatay dahil sa kanyang kasakiman, kamatayang walang dignidad, ni hindi man lang nangamatay para sa bayan. Tatanggapin ba natin ang lahat ng pakikipagkaisa niya sa kaaway ng bayan, mga Kastila, mga Kano, at sa huli, mga Hapon? Di ba natin dapat ibasura ang lahat ng itininatag niyang bahagdan ng ating kultura?

Hindi!

Panahon na para burahin sa ating ala-ala ang kataksilan sa bayan ng Aguinaldo na ito! Panahon na para sunugin ang lahat ng aklat na nagtataglay ng pangalan niya! Panahon na para ituwid ang kamalian ng ating kasaysayan, na ang taong ito ay hindi bayani kundi isang taksil sa bayan! Hindi siya pangulo kundi isang ganid na mananakop! Isa siyang kriminal!

Panahon na din para burahin ang impluwensya ng kanyang pamahalaan! Panahon na para ituwid ang kamalian ng pambansang awitin at pambansang bandila! HIndi tayo makapapayag na ang mga sagisag ng isang bansa ay nagmula sa mga taong nagtraydor sa kanya!

Kumilos tayo, mga kapatid! Tayo ay lahing marangal! Tayo ay lahi ng mga totoong Pilipino!