Wednesday, March 17, 2010

Mga Tala ng Pagbabago: Eleksyon

Eleksyon, isang maruming lusak sa kultura ng maruming pulitika ng bansa, isang yugto na kung saan ang mayayaman at makapangyarihan ay nananaig sa halip na ang boses ng mga mamamayan. Aanhin nga ba ng bansa ang boses ng mga mamamayan na isinusulat sa balota at binibilang upang ihayag ang nais na pamumuno? Papaano kung ang mga natatanging kandidato ay hindi kumakatawan sa tunay na lagay ng nayon, bayan, lalawigan, o bansa?

Sa dinami-dami ng eleksyong dumaan, ito lang ang malinaw, hindi mananalo ang isang kandidato na walang kayamanan. Wala siyang pambili ng boto, pambayad ng mga watcher sa eleksyon, pampakain sa mga boluntaryang tumutulong sa kampanya niya, pampagawa ng mga tarheta at poster, atbpa. Ikalawa, hindi mananalo ang isang kandidatong mabait sa mga ordinaryong mamamayan. Dadayain sya ng kanyang kalaban na ayaw magpatalo, o di kaya'y ipapapatay siya. Ikatlo, ang mananalong kandidato ay magbabayad ng utang na loob sa mga nagbigay ng kontribusyon sa kanyang pangangampanya. At magiging balakid ito sa dapat ay pantay-pantay na turing ng isang pinuno sa kanyang mga nasasakupan. Ikaapat, ang mananalong kandidato ay kakailanganing magnakaw, dahil kung hindi, hindi na siya mananalo sa susunod na eleksyon.

Hindi lamang ang karumihan ng pagkandidato ang kabulukan ng eleksyon. Marumi din ang paraan ng pagpili ng bawat isang mamamayan. Papaano ba pumipili ng iboboto ang ordinaryong Pilipino? Ano ba ang kanyang tinitingnan? Una, dapat ay sikat. Pangalawa, dapat ay marunong mamigay ng salapi. Pangatlo, dapat ay marunong makisama. Hindi ba sa ganitong lagay ay nagiging inutil ang nananalong pinuno dahil sa dami ng kanyang utang na loob?

Ang makalumang eleksyon na ito ay walang pinagkaiba sa isang tiangge. Bayaran. pataasan ng bayad. Kung sino ang magsuhol ng malaki ang iboboto. Kung hindi man ay ganito: Kung sino ang kamag-anak ang iboboto. Kung sino ang kaibigan ang iboboto. Nasaan ang tamang pagpili ng matinong mga pinuno sa ganito?

Kaya nga ang makalumang eleksyon na ito ay bigo, walang ipinagkaiba sa lagay ng demokrasya, bigo. Panahon na para itapon ang maling sistema na ito. Alisan na natin ng karapatan ang mga tao na bumoto dahil hindi naman sila marunong bumoto. Alisin na natin ang eleksyon na nagiging tampulan lang ng pagnanakaw, pandaraya, kasinungalingan, at iba pang kabulukan sa ating kultura.

Ang mga namumuno sa ating mga ahensya ng gubyerno ay dapat walang ipinagkaiba sa mga manager ng mga korporasyon. Dapat ay matalino, marunong magpatakbo, at higit sa lahat, may malasakit sa kanyang trabaho. Dagdag pa dito, dapat ay nagmamahal sa Inang Bayan at sa kanyang nasasakupan, at handang magsakripisyo. Ang posisyon ng isang pinuno ay dapat inaaplayan, pinipili ng mahigpit ang tatayo dito. Gaya ng isang nag-aaplay para maging superbisor, dapt ay dumaan sa mga pagsubok, at ang pinakamahusay ang dapat mapili.

Ang sweldo ng isang pinuno ay di dapat nalalayo sa sweldo ng ordinaryong mamamayan. Ang mga benepisyo niya ay hindi dapat naiiba sa ordinaryong manggagawa. Sa ganitong paraan, tanging ang mga tao lang na nasa puso ang paglilingkod ang magnanais maging pinuno. Iyon lang mga taong may pag-ibig sa Inang Bayan at nangangarap na higit pang mapaganda ang kanyang lupang tinubuan.

No comments:

Post a Comment