Sunday, June 14, 2009

Balik-tanaw

Napakasarap langhapin ng hanging malinis. Napakasarap isipin na ang ating inang Pilipinas at ang kanyang mga anak ay ganap na naipamamalas ang kadakilaan ng pagmamahal at kalayaan. Ang mga tinatamasa nating kalayaan, kabutihan, kapayapaan, at pagkakapantay-pantay ay hindi natin madaling natamo.

Bago naganap ang rebolusyon limang taon na ang nakalilipas, ang Pilipinas ay isang marumi at naghihirap na bansa sa Timog Silangang Asya. Bago naganap ang dakilang pagbabago, ang mga Pilipino ay nagsilbing alipin sa ating sariling bayan. Karamihan sa mga mauunlad na lupain sa bansa ay pagmamay-ari ng mga dayuhan, o ng mga mayayamang Pilipino na higit na pinahahalagahan ang sarili kesa sa bansa. Nagkalat ang mga establisimento ng komersyo na karamihan ay hawak ng mga dayuhan at eletistang mayayaman. Ang ilang nagpupunyaging Pilipino na nagmula sa mga karaniwang mamamayan ay di magawang makapantay man lang sa bahagdan ng mga eletista at dayuhan. Ang resulta, ang mga negosyo at patuloy na sinipsip ang kabuhayan ng mga karaniwang mamamayan, na sa kasamaang palad ay patuloy na nagpalinlang sa nakakasilaw na pang-aakit at impluwensyang subliminal ng mga patalastas. Sa halip na mapagkasya ng mga pamilya ang kanilang kinikita sa mga importanteng bagay, gaya ng pagkain, pabahay, damit, kalusugan, at edukasyon, ang Pilipino ay naeenganyong gumastos para bumili ng mga makabagong kagamitan tulad ng telebisyon, DVD, at cellular phone.

Sa malaking kaguluhan na ito, patuloy ang gobyerno noon sa pagsasapribado ng mga lupain at korporasyon ng estado, na ang resulta ay ang higit na kawalan ng kontrol sa presyo ng mga mahahalagang pangangailangan. Sa kasibaan ng mga opisyal ng gobyerno sa pera, ipinagpalit nila ang kinabukasan ng mga mamamayan sa pansariling kayamanan. Hindi nga ba't maaalala pa natin kung gaano nagawang magpayaman ng mga kumpanya ng langis dahil sa pribatisasyon? At walang magawa ang mga mamamayan o ang estado upang pigilin ang pagmamalabis na ito? Hindi nga ba't naaalala pa natin ang isang batas na pumayag magmay-ari ang mga dayuhan ng mga lupain dito sa atin, isang hakbang na nagpataas ng presyo ng mga lupain at nag-engganyo sa mga kapatin natin upang ibenta ang kanilang mga lupa? Hindi nga ba't sa kalaunan at 90% ng Pilipinas ay naging pag-aari ng mga dayuhan, at ang lahat ng antas ng buhay ay naging hawak nila?

Saksi ako sa madilim na nakaraang ito, isang panginatin na hindi nasikmura ng mga tunay na anak ng bayan na nagmamahal sa Pilipinas.

Nagsimula sa isang maliit at hindi masipil na asosasyon sa internet, natunton ang mga Pilipinong nagmamalasakit sa bayan, mga Pilipinong handang magbuwis ng buhay upang maituwid ang limandaang siglo ng pagkaalipin, mga Pilipinong nakakaunawa na ang tanging pag-asa ng bansa ay isang ganap na rebolusyon.

Limang taon na ang nakakaraan, dumanak ang dugo, dugo ng mga Pilipino, mga makabayan laban sa mga alipin ng dayuhan, mga anak ng bayan laban sa mga alipin ng salapi at kapangyarihan. Isang matalinong labanan, isang pagkilos upang lipulin ang mga nasa kapangyarihan na walang malasakit sa bayan. Nagawa nating iligpit sila, mula sa mga tiwaling pulis at opisyal barangay, hanggang sa mga buwaya na nakaluklok sa Malakanyang. Sinundan ito ng pagbaligtad ng karamihan ng ating hukbong bayan, mga ordinaryong sundalo na hinawakan sa leeg ng mga tiwaling pinuno. Sa pagkakaligpit ng mga namumuno, tumayo ang mga sundalong tunay na nagmamalasakit sa bayan.

Simpleng mga salita, hindi kailangan ng mapanlinlang na patalastas. Mahal mo ba ang bansa mo? Ito ang tanong na umukilkil ng katotohana sa mga anak ng bayan. "Ang mamatay ng dahil sa yo," sabi ng ang pambansang awit. Handa ba ang Pilipino upang isabuhay ang talatang ito. Handa ba siyang magsakripisyo? Handa ba siyang talikuran ang karangyaan at materyal na kasaganaan? Handa ba siyang maglingkod ng may katwiran at karangalan sa halip na isipin ang pansariling kinabukasan. Mahal mo ba ang bansa mo? Kung gayon, ibigay mo ang lahat ng sa iyo sa kanya. Sa idelohiyang ito kumapit ang mga anak ng bayan, na sinang-ayunan ng karamihan ng ating mga sundalo, at maging ng partidong makakaliwa. Kumunismo, ayon sa mga dayuhan. Sosyalismo, ayon sa mga burgis na may hawak ng mga peryodiko at palabas sa telebisyon. Nahati ang bansa dahil dito, bunga na rin ng ating pagiging mangmang sa katotohanan ng sibilisasyon, kamangkangan na bunga ng kasinungalingan ng mga dayuhan.

Isang estado na hawak lahat ng yaman ng bansa. Mga mamamayan na naglilingkod sa bansa para sa ikauunlad nito. Pagkain, pabahay, edukasyon, pananamit, at iba pa na ipinamamahagi ng pantay-pantay sa lahat. Isang bansang walang mahirap at mayaman. Isang bansang may dangal at pangalan. Komunismo? Sa kalagayan ng bansa, ano ang hinanap ng mga mamamayan, ang pang-aalipin sa gobyernong demokrasya, o ang kaginhawaan sa gobyernong ito?

Limang taon na ang nakararaan, isang ganap na pagbabago. Bansang Pilipinas, nalugmok, lumaban, at nakabangon.

No comments:

Post a Comment