Tuesday, August 25, 2009

Piping Saksi

Isang po akong ordinaryong mamamayan na tumanda na sa ating bansa. Naranasan ko po ang hirap ng buhay sa isang Pilipinas na demokrasya. Inakala ko po na mamamatay na ako sa kahirapan, at kawalan ng pag-asa. Saksi po ako sa napakaraming dungis ng ating lipunan.

Hindi naman po kami mahirap dati. Lumaki po ako sa isang simpleng pamilya. May tindahan po kami sa harap ng aming bahay, at ang kinikita namin ay sapat na para makapamuhay kami ng payapa.

Hindi po ako nakatapos ng pag-aaral. May kahinaan daw po ang aking kukote sabi ng aking ama. Nahirapan po akong makapasa sa hayskul. Sa edad na disiotso ay nag-asawa na po ako. Tumira po kami ng asawa ko sa bahay ng aking mga biyenan. Ngunit nang mamatay ang aking mga magulang ay ako po ang nagmana ng aming bahay at tindahan. Akala ko po ay mananatiling payapa at masay ang lahat gaya ng dati.

Ngunit nagbabago po ang panahon. Dumadami po ang tao. Dumami rin ang nagtayo ng tindahan sa lugar namin, at nabawasan ang kinikita namin. Tumaas din po ang presyo ng mga bilihin at nahirapan po kami pagkasayahin ang kinikita ng tindahan para sa aming mag-anak. Naghanap po ng trabaho ang asawa ko. Hindi po ganoon kadali siya nakapasok. Construction, pabrika, at iba pa. Puro contractual lang po ang pagtanggap sa kanya. Wala pong kasiguraduhan. Hanggang sa mabalian siya ng tuhod at hindi na kinayang magtrabaho ng mabigat.

Dalawa po ang anak namin. Nagawa lang po nilang makatapos ng hayskul. Wala po kaming pera pangkolehiyo. Hindi naman po sila ganoon katalino para maging iskolar. Maaga na din po silang nag-asawa.

Saksi po ako sa pagbabago ng ugali ng tao sa ating bansa. Noong bata pa po ako ay masaya po kaming naglalaro araw-araw sa daan. Ngunit sa panahon po ng aking mga apo, marami na pong sasakyan sa kalsada, at hindi na rin ligtas sa gabi dahil marami na pong kabataan ngayon ang nalululong sa droga at nakakagawa ng krimen. Isa po sa mga apo ko ay nakursunadahan ng isang adik at nasaksak. Dahil siguro sa mahirap lang kami, hindi po nahuli ng mga pulis ang kriminal.

Naaalala ko din po, noong bata pa ako, gustung-gusto ko pong sumasakay sa jeep. Parang iskursyon palagi iyon para sa kin, kahit papunta lang po kami sa kabayanan para bumili ng paninda para sa tindahan namin. Ngunit sa katandaan ko, palagi na lang pong siksikan ang mga jeep. Ang mga drayber po ay hindi umaalis ng terminal na hindi puno ang jip. Tumitigil na din sila sa mga kanto para maghintay ng pasahero. Ang iingay na nila sa pagtawag ng mga pasahero, di gaya ng dati. At marami sa mga jeep ay may mga bangkitong inilalagay sa gitna para sa karagdagang pasahero. Kaya napakasikip na po ng mga jeep. Sa maraming beses po, puno na po ang jeep ay sumisigaw pa po ang drayber (o kunduktor) na maluwag pa. O kaya'y may dalawa pa, na ang totoo ay sa bangkito na lang pauupuin ang bagong sakay. Talamak na po ang kasinungalingan ngayon.

Sa aming pamimili sa palengke, karamihan po ng mga tindera ngayon ay may ginagawang pandaraya. Pang bumili ka ng isang kilong kamatis, asahan mo na may isang pangit. Sa pagbili ng isang taling talong, palaging may isang may uod. Sa pagbili ng isda, napakahirap po makakuha ng totoong sariwa.

Napakarami na rin po ng mga tambay sa mga kanto na maiingay na sumisigaw para sa mga jeep. Mga barker po ang mga ito, mga nagtatawag ng pasahero para sa isang jeep, kapalit ang maliit na halaga mula sa mga drayber. Sa halos lahat ng kanto na dadaanan ng mga jeep, may mga barker. Kaya napipilitan ang mga jeep na tumigil sa mga kanto at maghintay, para maisulit ang ibabayad niya sa barker. Ang mga barker ding ito ay walang paggalang. Karamihan sa kanila ay mukhang sanggano na katatakutan mo.

Hindi ko po maintindihan kung bakit dumami ang mga motorsiklo sa paligid. kasabay po nito ang pagdami ng mga balita ng aksidente ng mga nagmomotorsiklo. Sa aking pananaw, ang mga nagmomotorsiklo ay walang tamang batas na sinusunod. Dahil walang nagbabawal sa kanilang magpazigzag-zigzag sa kalsada, ginagawa nila ito ng walang takot. Nagagawa din nilang humarang sa daan at maging dahilan ng trapik. Wala po silang sinusunod na batas ayon sa tamang pwesto o linya nila sa daan.

Napansin ko rin po na ibang-iba na ang mga eskwelahan ngayon. Dati, iginagalang ang mga titser. At huwaran talaga sila ng kabataan. Hindi na ganoon. Maraming beses na po akong nakarinig ng titser na nagmura. May nabalitaan na din po ako na mga titser na nangmolestya ng estudyante. Maraming titser ang nagtitinda na lang sa klase, at hindi na halos nagtuturo. At may mga alam po ako na eskwelahan na negosyo ang paninda sa kantin, na sapilitang pinabibili ang mga bata. Negosyo din ang mga ID, ang mga class picture, ang mga uniporme, ang mga palabas na sine sa skul, ang gradwesyon, at iba pa. Ang sama po talaga.

Ang kabataan? Palalo na po ang karamihan sa kanila. Bastos na kung sumagot sa matatanda. Pasigaw pa kung mangatwiran. Kapag titingnan mo po sila sa mga tambayan, puro porma, puro yabang, puro walang kapalaluang bagay ang pinaggagagawa. Di na po nila iniisip ang kanilang kinabukasan, basta masaya po sila. Lalo na pong wala silang pakialam sa matatanda, o sa bansa. Di nga po ba't dumami ang mga adik na kabataan? Dumami din po ang mga batang kriminal. Sino po ba ang mga tambay sa mga kanto ngayon na naghahanap lagi ng away? Mga kabataan po. Wala na po yung matatabang maton. Puro kabataang adik na ang nandoon.

Ang mga ito po ang ilan sa napakaruming mga sitwasyon ng ating bansa sa nagdaang pamahalaan. Kanser, ayon nga po kay Jose Rizal. Malaki po ang pasasalamat ko na nagbago ang takbo ng buhay namin mula ng itatag ang bagong Pilipinas. Ngayon po ay nakatira po ako sa pamayanan ng mga matatanda kasama ang aking asawa. Kahit papano po ay nakakapanahi pa kami at nakakapagtanim ng mga gulay. May mga tao po ng gobyero na nag-aalaga sa amin. Kumakain po kami sa oras at di po kami kinukulang. Payapa po ulit ang aming buhay. Sana po ay hindi na po bumalik ang ating bansa sa nakaraan. Sana po ay ganito na lang, hanggang sa kamatayan po namin.

No comments:

Post a Comment