Tuesday, August 25, 2009

Bigong Demokrasya

Demokrasya. Isang uri ng pamahalaan na kumikilala at nagtatayugod ng labis-labis na mga karapatan ng mga mamamayan. Ito ay isang pamahalaan ng mga mamamayan at para sa mga mamamayan. Ngunit ito rin ay isang pamahalaan na kapakanan ng bansa ay napalitan ng kapakanan ng mga mamamayan, at ang biyaya ng lupa at dagat ay hindi pantay-pantay na naibabahagi sa lahat.

Ang demokrasya ay ang uri ng pamahalaan na pinanggalingan natin, at ang siyang naglugmok sa ating Inang Bayan sa kadiliman ng kasakiman, pagmamalabis, kontrol ng mga dayuhan, at kahirapan.

Karapatan. Iyan ang bantayog ng pamahalaang demokrasya. Layon ng mga batas sa ilalim nito na pangalagaan ang karapatan ng bawat isa, mahirap, mayaman, babae, o lalaki. nandiyan ang karapatang magmay-ari ng lupa at bahay, karapatang bumili ng kahit anong ipinagbibilapatang makapag-aral, at iba pa. Ngunit sa kabila ng malatalulot na kagandahan nito sa unang salita, ang mga karapatang ito ay hindi para sa lahat.

Papaano magkakaroon ng karapatan ang isang walang salapi para makabili ng kanyang nais bilhin? Papaanong magmamay-ari ng sariling lupa at bahay ang isang pamilya na ang perang pantustos ay para lang sa pagkain. Oo nga, nasa pagpupunyagi ang solusyon ng mga bagay-bagay, ngunit ang katauhan ng mga tao ay natural na hindi pantay-pantay. Ang malalakas ang katawan lamangang pwedeng makapagtrabaho ng maayos. Ang mga matatalino lamang ang may pagkakataon na magkaroon ng mataas na pwesto sa mga pagawaan, pamayanan o gobyerno. Ang mga mangmang, ang mga mahihina ang katawan, lalo na ang mga may kapansanan at matatanda ay wala nang pag-asa.

Sa paglago ng pamayanan sa isang demokrasya, kayamanan ang nagiging simbolo ng asenso at kapangyarihan. Ang mga pulitiko na maraming pera lamang ang nagiging opisyal ng pamahalaan. Ang mga may pera lang ang nakakapagnegosyo. Ang mga mayayaman lang ang mga nakikilala sa mga matataas na bahagdan ng lipunan.

Nasaan ang mga mahihirap at mahihina? Nasa bukid, nagsasaka ng lupang hindi sa kanila. Nasa pabrika, nagbabanat ng buto ng walo hanggang sampung oras. Nasa kalsada, namamalimos o nagiging biktima na lang ng krimen.

Dahil sa pagnanasang yumaman, ang mga mahihirap ay nabubulid sa mga gawaing ilegal. Ang mga tindero at tindera ay nagagawang mandaya. Ang mga drayber ay nagagawang magsakay ng labis sa kapasidad ng mga sasakyan nila. Ang mga empleyado ay nagagawang mangumit. Maging ang mga guro, na huwaran ng mga kabataan, ay nagagawang pagnasaan ang kakarampot na perang baon ng mga estudyante.

Ito ang bunga ng demokrasya, isang pamahalaan na pinamumugaran ng kasakiman at paghahngad, isang kalakaran na ang mayayaman ay mas nakatatas sa mga mahihirap. Isang bansang walang pagkakapantay-pantay. Isang bansang ang kultura ay nakaligtaan dahil sa pangangailangang materyal.

Ito ba ang nais mong bansa?

Bigo ang demokrasya. Bigo ito na mapagkaisa ang isang bansa sa lahat ng antas nito. Bito ito na mabigyan ng hustisya ang lahat ng pantay-pantay. Bigo ito na mabigyan ng dangal ang lahat ng mamamayan. At higit sa lahat, bigo ito na maitaguyod ang kabutihang asal at panggalang sa kapwa.

Ito ang dahilan kung bakit ang Pambansang Konseho ay nabuo, at ang Bagong Pilipinas ay ating naitatag. Totoo, hindi tayo demokrasya. Limitado ang kalayaan ng mga mamamayan. Ngunit ang ating bansa ay itinataguyod ang pagkakapantay-pantay ng lahat. Walang mahirap, walang mayaman. Ang lahat ay may karampatang pwesto sa lipunan. Ang lahat ay naglilingkod para sa bayan, at ang bunga ng ating mga pagpupunyagi ay naibabahagi ng pantay-pantay sa lahat. Ang Bagong Pilipinas, anuman ang sabihin ng ibang bansang napipiit pa rin sa mga motibo ng bigong demokrasya, ay payapa, masaya, at tagumpay.

No comments:

Post a Comment