Friday, August 7, 2009

Kamatayan Para sa mga Traydor sa Bayan

Mga kapatid kong Pilipino,

Ako ay labis na nalulungkot sa mga pangyayari nitong mga nakaraang araw. Ang mga ebidensya na nakalap natin ay tumpak na nagpapatunay sa ginawa ng ilan nating mga kapatid. At dahil dito, sila ay naparusahan ng kamatayan. Saksi kayo sa pagbitay na ginawa sa kanila. Malagim. Malungkot. Nakakapanindig balahibo. Pero nararapat.

Ano ba ang kanilang kasalanan? Hindi lingid sa inyo na sila ay nagkuntsabahan para manghikayat sa ating mga mamamayan na mag-isip ng baluktot laban sa pamahalaan. Batid din ninyo na humingi sila ng tulong mula sa ibang bansa laban sa ating gobyerno, na dahil dito ay nasira ng bahagya ang dangal na mayroon ang ating bansa. Ang mga dayuhan na noon pa kumakalaban sa ating mga alituntunin ay hindi naman kumilos laban sa atin, salamat sa Dyos. Ngunit ang kanilang ginawa ay sumira sa kultura na pinipilit nating linisin para sa tamang pag-unlad ng bansa.

Ano na lang ang sasabihin ng mga kabataan sa pagkilos nila na ito? Hindi ba't pwede silang gayahin ng mga bata? Ano na lang ang iisipin ng iba sa atin? Na maaari nating ibalik ang dating magulong pamamalakad ilang taon na ang nakararaan? Nais pa ba nating bumalik sa isang demokrasyang ang mayayaman lang ang nakikinabang, at tayo ay ginagatasan ng mga dayuhan?

Mga kapatid, ang mga taong ito ay mga dating opisyal ng gobyerno, mga dating negosyante, mga dating sundalo, mga taong nasanay sa buhay na nakatataas sila sa iba. Binigyan natin sila ng pagkakataong mamuhan dito sa ating bayan ng pantay-pantay sa lahat. HInayaan natin silang kumain sa ating mga pinagpaguran, uminom mula sa tubig na ating inigib, matulog sa mga bahay na ating itinayo. Nais nilang ibalik ang isang madilim na bahagi ng kasaysayan kung saan ang mahihirap ay halos walang makain at matulugan. Nais nilang bumalik sa kapangyarihan at yurakan muli ang ating mga kahinaan. Papayag ba tayo?

Higit sa pagtataksil nila sa bayan, nagawa din ng ilan sa kanila na pumatay. Sa pagnanais nilang itago ang kanilang insureksyon, nagawa nilang patayin ang ilan sa ating mga sundalo at mga opisyal na hindi pumayag pakisama sa kanila. Natural lang sa ating mga opisyal ng pamahalaan, lalo na sa ating mga sundalo, na hindi makisama sa kanila. Ang bawat isang lingkod ng bayan ay mahal ang bayan at nauunawaan ang kalagim lagim na mangyayari kapag ibinalik ang dating demokrasya ng mayayaman. Ang ating mga lingkod at iniulat sa ating pamahalaan ang mga pangyayari, at dahil dito, sila ay namatay. Sila ay mga bayani.

Kanina, alas-sais ng gabi, sa paglubog ng araw sa kanluran, sila ay binitay sa salang pagpatay at pagtataksil sa bayan. Nawa'y magawa nating linisin sa ating mga tahanan at pamayanan ang maitim na espiritu ng insureksyon na ginawa nila. Nawa'y walang sumunod sa kanila. Masakit pumatay ng isang kapatid na Pilipino, subalit kung ang Inang Bayan ang mapapahamak, hindi mangingimi ang pamahalaan na kumilos para protektahan sya.

No comments:

Post a Comment